Nanindigan ang DA sa hindi pag angkat ng sibuyas kahit mahigit P500 na ang presyo nito

0
204

Nanindigan ang Department of Agriculture (DA) kanina na hindi ito mag-aangkat ng sibuyas habang papalapit ang panahon ng tag-ani, kahit tumataas ang presyo nito ng hanggang PHP520.

Sa isang pampublikong briefing ng Laging Handa, sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez na maingat ang departamento sa pagbibigay ng mga permit sa pag-import, lalo na para sa mga sibuyas.

“Off-season, ayaw nating i-tolerate ang smuggling. Kapag nag-issue tayo ng import permit, sa paligid lang iyan. Ilalabas nila iyong smuggled goods,” ayon sa kanya.

Tiniyak ni Estoperez sa mga mamimili na bababa ang presyo simula Enero dahil tataas ang suplay ng mga lokal na sibuyas sa panahon ng anihan.

Ngunit sinabi niya na kailangan ng DA  na i-tweak ang value chain upang matiyak ang pagtaas ng produksyon at pagkakaroon ng abot-kayang presyo para sa mga mamimili.

Kabilang aniya dito ang interbensyon para sa logistics, transportasyon, cold storage at packaging intervention gayundin ang aktibong paglaban sa smuggling ng mga agricultural commodities.

Samantala, nilinaw ni Estoperez na ang PHP170 price cap para sa mga sibuyas ay isang gabay lamang, dahil ilang mga merkado ngayon ang nag-aalok ng mahigit sa tatlong beses ng cap.

“Guide lang po ’yan. Ang presyo naman ang nagdidikta niyan is supply and demand. Kung mahina ang supply mo na nanggagaling sa produksyon, ang presyo mo ay tataas,” ayon sa kanya.

Dagdag pa ng DA, bukod sa pagmomonitor ng presyo sa mga pamilihan, binisita na rin nila ang production areas ng sibuyas sa Nueva Ecija at Tarlac.

“Mayroon tayong supply. Hindi sobra-sobra, pero dun sa farmgate price nila, nung tiningnan namin is PHP300 already. Eh kung ahente ang bibili dun at dalhin sa Metro Manila, talagang may patong pa ‘yan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Estoperez na maraming pamilihan ang nagbebenta ng maliliit na sibuyas sa halagang PHP480 kada kilo at medium-sized na sibuyas sa halagang PHP520 kada kilo.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.