MAYNILA. Nagsimula na ang sariling imbestigasyon ng National Police Commission (Napolcom) kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero, kasunod ng mga ulat na may mga pulis umano na sangkot sa insidente.
Ayon kay Napolcom Vice Chair at Executive Officer Atty. Rafael Calinisan sa panayam sa Unang Balita nitong Biyernes, “Dahil kaliwa’t kanan na yung report na merong involved na pulis, kailangan na naming mag-imbestiga. Inutusan na namin ang aming Inspection Monitoring Investigation Service para mag-imbestiga sa mga nawawalang sabungero.”
Lumutang ang pangalan ng alias “Totoy,” isa sa mga akusado, na nagsabing may 20 pulis na sangkot sa umano’y pagdukot sa mga sabungero. Ayon pa kay Totoy, isasama niya sa kanyang affidavit ang mga pangalan ng mga sangkot.
Tiniyak naman ng Napolcom na makikipag-ugnayan sila sa iba pang ahensiya ng gobyerno para sa mas malalim na imbestigasyon.
“We will coordinate with them, at nakikiusap nga po ako na mag-usap-usap tayong lahat,” ani Calinisan.
Paliwanag pa ni Calinisan, habang ang ibang ahensiya ay nakatutok sa aspeto ng kasong kriminal, ang Napolcom ay tututok sa posibilidad ng pagsampa ng mga kasong administratibo laban sa mga sangkot na pulis.
“‘Yung aspetong administratibo, wala pang tumitingin doon. Eh, ‘yung administratibo, sa Tagalog, fit ka ba maging pulis? So ‘yan ang trabaho ng Napolcom, kami ang pulis ng pulis,” giit ni Calinisan.
Dagdag pa niya, paiigtingin nila ang proseso ng pagdinig at tiniyak sa publiko na walang sinuman ang palalagpasin.
“Bibilisan namin yung hearing sa kasong ito, at pinapangako natin sa taumbayan that we will leave no stone unturned, kahit sino pang pulis yan, kahit ano pang ranggo niyan,” aniya.
Sinabi rin ni Calinisan na kung mapatunayang may pagkakasala, hindi sila mag-aatubiling patawan ng pinakamabigat na parusa.
“Kung talagang may pulis na involved, assuming meron, ‘di tayo magdadalawang isip to impose the highest penalty of dismissal sa mga taong ‘to,” pahayag ni Calinisan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






