Nasabat ng NBI ang 1.5 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P10B sa Quezon

0
647

Infanta, Quezon. Naharang ng pinagsamang elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force on Illegal Drugs, NBI-Quezon, at Quezon Police Provincial Office kahapon ang humigit kumulang na 1,500 kilo o 1.5 metric tons ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10B na lulan ng  tatlong Nissan van, sa bayan ito sa lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Quezon police provincial director  Lt. Col. Joel Villanueva, pinangunahan ng NBI-Quezon ang nabanggit na operasyon sa pamumuno ni Senior Agent Eliezer Salcedo.

Dakong alas-4 ng madaling araw ang tatlong van kargado ng iligal na droga ay pinara sa isang police checkpoint sa baybaying barangay ng Comon.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Jaymart Gallardo, 29, residente ng Quezon City; Alvin Ibardo, 41, ng Antipolo Rizal; Mark Brian L. Abonita, 26, ng Tanay, Rizal; Kennedy L. Abonita, 24, ng Tanay, Rizal; Dante C. Mañoso, 35, ng Tanay, Rizal; Marvin A. Gallardo, 39, ng Tanay, Rizal; Eugene G. Bandoma, 38, ng Tanay, Rizal; Jenard Samson, 29, ng Tanay, Rizal; Reynante Alfuerto, 42, ng Tanay, Rizal; at Jamelanie Samson, 34, tubong Tanay, Rizal.

“Ito ay isang malaking catch,” ayon kay Villanueva sa isang panayam noong Martes ng umaga.

Ang kabuuang bulto at halaga ng mga nasabat na iligal na droga ay titiyakin pa ng mga chemist ng NBI, ayon sa kanya.

Sinabi naman ni Infanta Vice Mayor LA Ruanto na 10 katao na sakay ng mga van ang naaresto.

Sa kanyang Facebook pag, binanggit ni Ruanto sa kanyang post na mahigit isang tonelada ang bigat ng nasabat na shabu.

“There is a big possibility that the contraband came from other areas using the Pacific Ocean and was only transhipped to this town via ship. But it’s good that it was intercepted by the authorities,” ayon sa vice mayor sa isang panayam.

Dadalhin ang mga nasabat na droga sa field office ng NBI sa lalawigan ng Rizal upang magsagawa ng imbentaryo sa lalong madaling panahon, ayon kay Villanueva.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.