National at provincial Children’s Month, itinampok sa Laguna

0
119

STA. CRUZ, Laguna. Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Gobernador Ramil L. Hernandez, kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang Provincial Children’s Month at National Children’s Month sa Laguna Cultural Center noong ika-15 ng Nobyembre 2023.

Ang programa ay tinampukan ng poster making contest at pageant na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa elementarya at sekondarya mula sa iba’t ibang local government units (LGU) sa lalawigan.

Isa ring bahagi ng selebrasyon ang pamamahagi ng 1,500 hygiene kits sa mga bata at kabataan, kabilang ang sabon, sipilyo, alcohol, bulak, at toothpaste. Nagkaroon din ng libreng dental check-up, bitamina at flu vaccine, tinapay na Pan de Laguna, photo booth, at iba pang serbisyong libre.

Ang programa ng PSWDO, kasama ang Laguna PNP at Star Room ng Provincial Health Office, ay naglalayong magbigay ng proteksyon at pangunahing serbisyo tulad ng pagsagip sa mga batang naabuso, pagsusuri, at pagbibigay ng pansamantalang tahanan tulad ng Home for Women and Children sa Bahay Pag Asa sa bayan ng Calauan.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Hernandez sa suporta ng mga LGU at mga ahensyang pambansa para sa pag-unlad ng programa na nagtataguyod ng mga karapatang pambata.

Ang pagdiriwang ng National at Provincial Children’s Month ay isinasagawa tuwing buwan ng Nobyembre kada taon, at ang tema para sa taong ito ay “Ensuring the Right to Life for All.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.