Nationwide vaxx ng mga bata pinag iisipang ilunsad sa Pebrero 14

0
216

Pinag-iisipang ilunsad sa Pebrero 14 ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang malawakang pediatric Covid-19 vaccination para sa 5 hanggang 11 na age group.

Ang nakaplanong aktibidad sa Araw ng mga Puso ay gaganapin isang linggo pagkatapos ng pilot run sa Lunes sa anim na vaccination sites sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Dr. Kezia Rosario, co-lead at medical specialist ng NVOC, na ang pilot run ay palalawakin sa 32 pang vaccination centers sa NCR sa mga ospital, malls, gymnasium, at mga paaralan.

Ang bawat pilot site ay maaaring magbigay ng 500 bakuna araw-araw.

Limang ospital sa Central Luzon, tatlo sa Calabarzon, at isa sa Cotabato City ang magsisimula na rin sa kanilang 5-11 age group vaccination sa susunod na linggo.

“So ito po ay tinatawag nating pilot sites pa lamang kasi pinag-aaralan natin kung paano siya ma-implement nang maayos operationally so tinitingnan din natin kung saan mas magandang i-implement, Sa hospital lang ba or kasama na iyong mga eskuwelahan, iyong mga other vaccination sites sa ating implementation po (In this pilot run, we will study how to effectively implement it, operationally. So we are also looking at where should it better be implemented. Should it be in hospitals or should we include schools and other vaccination sites),” ayon kay Rosario sa Laging Handa public briefing.

Kaugnay nito ay susuriin din ng gobyerno ang vaccine acceptance ng mga bata at ng kanilang mga magulang.

Naglalaan ang pamahalaan ng 1.5 milyong reformulated Covid-19 doses para sa pangunahing serye.

Dumating noong Biyernes ng gabi ang 780,000 na dosis ng Pfizer jab para sa pinakabatang age group na binili ng gobyerno. Ang isa pang batch ng 780,000 ay inaasahang darating sa Pebrero 9.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.