Natukoy na ang unang kaso ng monkeypox sa PH

0
224

Natukoy na ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) kanina.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang Malacañang.

“This is not particularly fatal but it is of concern,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang Palace press briefing.

Kinumpirma kanina ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng monkeypox sa bansa na kinasasangkutan ng isang 31-anyos na Pinoy na bumalik sa bansa mula sa isang paglalakbay sa ibang bansa noong Hulyo 19.

Ang reverse transcription– polymerase chain reaction (RT-PCR) test result na isinagawa noong Huwebes ay nagpakita na ang hindi pinangalanang pasyente ay positibo sa monkeypox, ayon kay DOH officer-in-charge (OIC) Undersecretary for Public Health Services Team Beverly Ho.

Matapos matuklasan ang kaso, agad na isinailalim ng DOH sa quarantine ang biktima. Ang pasyente ay sumusunod sa mahigpit na isolation at monitoring sa bahay, ayon kay Ho.

“Sampung close contacts ang naitala, ang tatlo ay magkakasama sa iisang bahay. Lahat ay pinayuhan na mag-quarantine at mahigpit silang sinusubaybayan ng departamento,” ayon kay Ho.

Sinabi ni Ho na walang mga sintomas sa ngayon ang mga close contacts dahil nananatili silang naka quarantine.

Sa kabila ng nadiskubreng kaso ng monkeypox sa bansa, sinabi ni Cruz-Angeles na kontrolado ng DOH ang sitwasyon.

Pinawi rin ni Cruz-Angeles ang takot ng publiko at idiniin na ang monkeypox ay “hindi katulad” ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“First of all, it’s only one case, number one. Number two, as you can see, it does not affect the entire population. Number three, this is not like Covid that can be spread by air very easily and could possibly be fatal,” ayon sa kanya.

Ang monkeypox virus ay naililipat sa pamamagitan ng mga sugat, body fluids, and respiratory droplets, ayon sa World Health Organization (WHO).

Kasama sa pangunahing paghahatid nito ay ang intimate skin to skin contact, (kabilang ang sexually transmitted) dahil binibigyang-diin ng mga awtoridad sa kalusugan ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa pakikipag-ugnayan o pakikipagtalik sa mga taong pinaghihinalaang may impeksyon nito.

Ang mga sintomas ng sakit ay kinabibilangan ng lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, namamaga na mga lymph node at pantal sa balat o mga sugat.

Sinabi ng WHO na ang smallpox vaccination ay maaaring makatulong sa paghinto ng hawahan ng monkeypox virus.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.