Nawawala ang isang pasahero sa dagat matapos mahulog sa barko

0
140

BATANGAS CITY. Pinaghahanap ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang lalaking pasahero matapos mahulog mula sa sinasakyang barko habang naglalayag sa karagatan sa gawing Batangas kahapon.

Kilniala ang nawawalang pasahero na si Ralph Bernard Gerona, 26 na tubong Iloilo City.

Sa mga unang ulat ng PCG, naganap ang insidente habang sakay ni Gerona ang MV Maligaya, isang cargo-passenger vessel, na naglalayag malapit sa baybayin ng Calatagan, Batangas, bandang alas-3:50 ng hapon.

Ang MV Maligaya, na pag-aari ng 2GO Shipping Corporation, ay patungo sa Maynila mula sa Bacolod at may kasamang 126 tripulante at 425 na mga pasahero.

Kaagad na ipinaabot ng PCG ang pangyayari sa Vessel Traffic Management Service (VTMS)-Corregidor operator kaugnay ng insidente ng “man overboard.”

Nagsagawa na ang Coast Guard Sub Station Calatagan ng “search and rescue operation” sa pakikipagtulungan ng VTMS Batangas, mga sea marshall ng MV Maligaya, at CGSS Lubang. Nakipagtulungan din sa operasyon ang MV Solid Sun na naroroon.

Gayunpaman, hindi natagpuan ang biktima sa kabila ng mga pagsusumikap ng mga awtoridad hanggang sa dumilim na. Ipinatigil ang operasyon bandang alas-6:20 ng gabi.

Inaasahang muling ipagpapatuloy ang “search and rescue operation” kapag maayos na ang kalagayan ng karagatan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.