Nawawalang bride-to-be natagpuan na sa Pangasinan — QCPD

0
331

MAYNILA — Natagpuan na ng pulisya ang nawawalang bride-to-be na si Sherra De Juan sa Sison, Pangasinan, kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes.

Ayon sa QCPD, lumilitaw sa paunang impormasyon na diumano’y nawala sa sarili si De Juan at kusang sumakay ng bus patungong Pangasinan, kung saan siya kalaunang nakita. Isang motorcycle rider umano ang unang nakapansin kay De Juan na naglalakad sa highway sa Sison.

Nang matagpuan, suot pa rin ni De Juan ang damit na kanyang suot noong siya ay naiulat na nawawala. Dinala siya ng mga tumulong sa isang barangay hall sa Sison, kung saan siya ay pinaliguan at pinalitan ng damit.

Sinabi rin ng QCPD na kasama ng mga awtoridad sa pagpunta sa kinaroroonan ni De Juan ang kanyang kapatid at ang kanyang fiancé na si Mark Arjay Reyes.

Ayon sa QCPD, sa nasabing barangay hall sa Sison rin sinundo si De Juan ng mga pulis, bago siya inihatid pauwi sa kanilang bahay sa Quezon City.

Si De Juan ay naiulat na nawawala noong Disyembre 10 matapos umalis upang bumili ng sapatos para sa kanyang nalalapit na kasal. Huli siyang nakita sa waiting shed ng isang gasoline station sa North Fairview, Quezon City. Nakatakda sana silang magpakasal ni Reyes noong Disyembre 14, subalit hindi na ito natuloy matapos ang kanyang pagkawala.

Dahil sa insidente, bumuo ang QCPD ng special investigation team noong Disyembre 15 upang tutukan ang kaso. Itinuring noon si Reyes bilang person of interest, na nangangahulugang maaari siyang may mahalagang impormasyon sa kaso at hindi ito katumbas ng pagiging suspek.

Nauna ring sinabi ng QCPD na batay sa digital forensic examination sa mga gadget ni De Juan, nahaharap umano siya sa problemang pinansyal kaugnay ng kasal at sa kondisyong medikal ng kanyang ama.

Samantala, humiling ng privacy ang mga magulang ni De Juan habang siya ay nagpapahinga matapos ang ilang araw na pagkawala. Ayon sa kanila, papatingnan din sa doktor si De Juan matapos siyang makabawi at makapagpahinga nang sapat.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.