Nawawalang kura paroko, nakitang buhay sa Silang, Cavite

0
636

Rosario, Cavite. Natagpuang buhay ngunit nakagapos sa loob ng kanyang sasakyan ang isang kura paroko sa Cavite na nauna dito ay inireport na dalawang araw ng nawawala.

Nakitang walang malay ang parish priest ng Most Holy Rosary na si Reverend Father Leoben Peregrino sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa Silang, Cavite.

Dinala siya sa isang ospital sa Laguna ngunit hindi pa makausap upang makunan ng salaysay, ayon sa mga awtoridad.

Ayon sa pamilya ni Peregrino, bibiyahe sana ang pari sa Imus noong Biyernes ng umaga para bumili ng kandila.

Batay sa paunang report ni Rosario Municipal Police chief Police Colonel Ruther Saquilayan, binabalikan nila ang mga CCTV footage na dinaanan ng pari ngunit ang nakukuha pa lamang nila ay hanggang Dasmariñas na siya lamang ang sakay.

Hindi pa makausap si Father Peregrino dahil na-trauma sa pangyayari, ayon kay Saquilayan ngunit sinabi niya na hindi sila titigil hangga’t hindi natutukoy ang mga salarin, dagdag pa niya.

Nauna dito, nanawagan ang pamilya ni Father Peregrino sa publiko at humingi ng tulong matapos siyang hindi makabalik sa kumbento pagkatapos ng 48 oras.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.