NBI: Hindi totoo ang balitang nagpakamatay ang 2 magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa mababang presyo ng palay

0
88

MAYNILA. Pinabulaanan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ulat na nagsasabing nagpakamatay ang dalawang magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa mababang presyo ng palay.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, walang naitalang kaso ng pagpapakamatay sa bayan ng Talavera, taliwas sa mga lumabas na ulat. Gayunman, kinumpirma ng ahensya na may dalawang kaso ng suicide sa bayan ng Guimba noong Marso 12 at Marso 18, 2025.

“‘Yung una, ayon sa asawa niya, may sakit siya. Nahihirapan na at lagi niyang sinasabi na gusto na niyang tapusin ang buhay niya,” pahayag ni NBI Director Jaime Santiago.

Nilinaw rin ng biyuda ng unang biktima na hindi direktang naapektuhan ng mababang presyo ng palay ang kanyang asawa, na isang manggagawa lamang sa sakahan.

Samantala, ang pangalawang biktima, na nagtatrabaho rin sa isang sakahan, ay nagpakamatay umano dahil sa personal na dahilan.

“Nakausap ‘yung mga kamag-anak, iniwan ng asawa. ‘Yung asawa ay sumama sa ibang lalaki. Masama ang loob ng tao,” dagdag ni Santiago.

Natukoy ng NBI na ang pinagmulan ng maling impormasyon ay isang lokal na kandidato, na ginamit umano ang mga insidente bilang bahagi ng kanyang pangangampanya para sa nalalapit na halalan.

“Pinag-aaralan namin kung meron ba siyang liability,” ani Santiago.

Matatandaang humingi ng tulong ang Department of Agriculture (DA) sa NBI upang maimbestigahan ang mga balitang nag-uugnay sa pagpapakamatay ng mga magsasaka sa mababang presyo ng palay.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.