NDRRMC: 19 patay dulot ng Mirasol, Nando, Opong, Habagat

0
517

MAYNILA. Labinsiyam na indibidwal ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng mga bagyong Mirasol, Nando, Opong, at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.

Sa bilang na ito, 15 ang sumasailalim pa sa beripikasyon habang apat na ang nakumpirma. Labing-walo naman ang sugatan, kabilang ang 14 na kumpirmado. May 14 ding iniulat na nawawala na kasalukuyan pang bina-validate ng ahensya.

Ayon sa NDRRMC, umabot sa 2,026,246 katao o 520,165 pamilya ang apektado sa 15 rehiyon, 57 probinsya, 504 lungsod at munisipalidad, at 4,219 barangay.

Nasa 351,840 ang inilikas, at karamihan ay pansamantalang nanunuluyan sa 1,906 evacuation centers. Bukod dito, 407,914 katao o 114,121 pamilya ang lumikas nang maaga sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, Calabarzon, Mimaropa, Caraga, Cordillera Administrative Region (CAR), at Negros Island Region (NIR).

Iniulat din ng NDRRMC na naapektuhan ang 243 kalsada at 46 tulay. Tatlumpung kalsada sa Region 1 ang hindi pa rin madaanan hanggang nitong Sabado.

Apektado rin ng pagkawala ng kuryente ang 143 lungsod at munisipalidad, ngunit 105 sa mga ito ang naibalik na ang supply.

Umabot sa 5,202 bahay ang nasira, kung saan 708 ang tuluyang nawasak. Kabilang sa mga lugar na may pinsala ang Region 1, Region 2, CAR, Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Region 5, Region 6, Region 9, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Tinatayang P914,875,615.50 ang kabuuang pinsala sa agrikultura dulot ng pagkawala ng 78,267.08 metriko tonelada ng ani. Samantala, nasa P822,163,458.08 ang pinsala sa imprastraktura na iniulat sa Region 1, Region 2, CAR, Calabarzon, Mimaropa, Region 6, at Region 7.

Nagdeklara ng state of calamity ang 32 lungsod at munisipalidad.

Samantala, 84,641 pamilya ang nakatanggap na ng tulong mula sa tinatayang 122,800 pamilya na nangangailangan. Umabot sa P57,928,043.74 ang halaga ng naipamahaging ayuda.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo