NDRRMC: Halos 180,500 katao ang naapektuhan habang nananatili ang lakas ni ‘Egay’

0
148

Tinatayang may isang namatay at nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng bansa ang Bagyong Egay, ayon sa pahayag ng state disaster agency kaninang umaga.

Sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isa ang ang nasawi sa Calabarzon. Dalawa naman ang nasugatan, isa sa Calabarzon at isa sa Western Visayas.

Naitala na ng NDRRMC ang 58 lugar na binaha sa limang rehiyon at 16 insidente ng pagguho ng lupa dulot ng malakas na ulan.

Nasa halos 180,500 katao naman ang naapektuhan ng malakas na hangin at pag-ulan dulot ng Bagyong Egay, ayon pa rin sa NDRRMC ngayong Miyerkules.

Batay sa opisyal na datos, ang mga biktima ng bagyo ay mula sa 261 barangay sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, at Soccsksargen.

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas sa CNN Philippines na inilikas ng mga awtoridad ng halos 1,070 katao sa apat na rehiyon.

Kasalukuyang kumikilos patungong hilagang-kanluran ang bagyo bago ito lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Huwebes ng umaga, ayon sa huling bulletin ng PAGASA.

Ang mata ng bagyo ay huling natukoy sa kalapit na karagatan ng Calayan, Cagayan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Sinabi rin ng PAGASA na nananatili ang Bagyong Egay sa lakas na may maximum na sustained winds na 175 kilometro bawat oras (kph) at pagbugso na 240 kph.

Dalawang beses nag landfall ang bagyo sa Cagayan nitong Miyerkules ng umaga. Ang una ay alas-3:10 ng madaling-araw sa kalapit na lugar ng Fuga Island sa Aparri at ang pangalawa ay alas-9:30 ng umaga sa kalapit na lugar ng Dalupiri Island.

Ayon sa PAGASA, maaaring bumagal ang pagkilos ng Egay sa kalapit na lugar ng Babuyan Islands, at pagkatapos ay tutungo sa direksyon ng hilagang-kanluran o hilagang-hilagang-kanluran at dadaam sa karagatan sa timog at timog-kanlurang bahagi ng Taiwan.

Patuloy pa rin ang Signal No. 4 sa hilagang bahagi ng Cagayan, kasama ang Babuyan Islands, at sa hilagang bahagi ng Apayao at Ilocos Norte.

Nasa Signal No. 3 ang Batanes, ang natitirang bahagi ng Cagayan, ang natitirang bahagi ng Apayao, ang hilagang bahagi ng Kalinga, ang hilagang bahagi ng Abra, ang natitirang bahagi ng Ilocos Norte, at ang hilagang bahagi ng Ilocos Sur.

Nasa Signal No. 2 ang Isabela, ang natitirang bahagi ng Kalinga, ang Mountain Province, Ifugao, Benguet, ang natitirang bahagi ng Abra, ang natitirang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, at ang hilagang at kanlurang bahagi ng Pangasinan.

Nasa Signal No. 1 naman ang Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, ang natitirang bahagi ng Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, ang hilagang bahagi ng Batangas, ang hilagang at sentral na bahagi ng Quezon, kasama ang Polillo Islands, ang Camarines Norte, ang hilagang bahagi ng Camarines Sur, at ang hilagang bahagi ng Catanduanes.

Inaasahan din ng PAGASA na magpapatuloy ang pag-ulan sa mga lugar na hindi sakop ng anumang signal, lalo na sa mga baybayin at mataas na lugar na maaaring masalanta ng hangin, sa susunod na tatlong araw.

Ayon sa weather bureau, ang mga lugar na apektado ng pag-ulan dahil sa enhanced southwest monsoon sa Biyernes ay ang Batanes, Ilocos Region, Zambales, Bataan, Cavite, ang timog na bahagi ng Quezon, Mimaropa, Bicol, at Western Visayas.

Samantala, handa naman ang national government na maglaan ng mahigit ₱173 milyon na standby funds matapos tiyajin na halos 40,000 pamilya ang apektado ng bagyo.

Dumaranas ngayon ng hanggang bewang na baha ang ilang barangay sa San Jose, Occidental Mindoro, ayon sa ulat ng MDRRMO, MEO, MENRO, MSWDO, at Municipal Information Office ng LGU San Jose sa Facebook.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.