NDRRMC: Halos 40K na pamilya ang naapektuhan ni Karding

0
308

Umakyat na sa 39,893 o katumbas ng 157,023 katao ang mga pamilyang naapektuhan ng Super Typhoon Karding na naninirahan sa 1,318 barangay sa pitong rehiyon sa bansa.

Sa update kanina, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang apektadong populasyon ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nasa 574 na evacuation centers ang kasalukuyang kumupkop sa 8,825 pamilya o 37,135 indibidwal na ang natitira ay tinutulungan ng mga kamag-anak at kaibigan.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pag-validate at pagkumpirma ng NDRRMC sa ulat ng 10 nasawi at walong nawawala.

Kabilang sa mga namatay ang anim mula sa Bulacan, dalawa mula sa Zambales, isa mula sa Burdeos, Quezon province at isa mula sa Tanay, Rizal habang ang mga nawawala ay kinabibilangan ng dalawa mula sa Antipolo, Rizal, isa mula sa Patnanungan, Quezon at lima mula sa Mercedes, Camarines Norte.

Nasa 3,068 na bahay din ang iniulat na nasira ng “Karding” sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera.

Sa bilang na ito, 2,437 ang inuri bilang partially damaged at 631 bilang totally damaged.

Ang pinsala sa agrikultura ay tinatayang nasa PHP108,837,409 at ang mga ito ay natamo sa mga rehiyon ng Ilocos, Calabarzon, Bicol, at CAR.

Ang pinsala sa irigasyon ay tinatayang nasa PHP1.3 milyon sa Bicol Region habang ang pinsala sa imprastraktura ay inilagay sa PHP23 milyon sa Ilocos Region, Mimaropa at Cordillera. (PNA)

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo