Naging Severe Tropical Storm ang Bagyong Karding at kasalukuyan itong nagdadala ng pag-uulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagbabanta ang posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Pinag-iingat at inaabisuhan ang lahat na makinig at sumunod sa payong pangkaligtasan ng mga awtoridad.
Ngayong gabi hanggang bukas ng umaga, makararanas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-uulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, hilagang bahagi ng Aurora, Catanduanes, Camarines Norte, at Camarines Sur.
Bukas hanggang Lunes ng umaga ay makararanas ng malakas hanggang matinding pag-uulan at kung minsan ay napakatinding buhos ng ulan sa bahaging timog ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, at hilagang bahagi ng Zambales.
Katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding pag-uulan sa nalalabing bahagi ng Gitnang Luzon.
Katamtaman hanggang malakas na pag-uulan naman sa Cagayan, Ilocos Provinces, CALABARZON, Metro Manila, at nalalabing bahagi ng Isabela at Cordillera Administrative Region.
Namataan ang bagyo sa layong 660 kilometro Silangan Timog-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 595 km Silangan ng Casiguran, Aurora.
May lakas ng hangin na umaabot ng 100 km/h mula sa sentro ng bagyo at pagbugso ng hanging aabot sa 125 km/h.
Inaasahan pang mas lalakas ang Bagyong Karding bago ang pagtama nito sa kalupaan sa bahagi ng Gitna o Hilagang Luzon.
Nakataas din ang tropical cyclone wind signal No. 1 at 2. Maaaring makita ang kumpleto listahan dito: https://www.facebook.com/302746419835274/posts/5266318993477967/
Patuloy na nakaantabay ang National Disaster Disaster Risk Reduction and Management Council sa sitwasyon.
Nagsagawa na ng mga pagpupulong ang NDRRMC katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at Regional DRRMCs kaugnay ng paghahanda sa bagyo. (NDRRMC)
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo