TANZA, Cavite. Binaril noong Lunes ang isang negosyante habang bumibili sa isang tindahan ng manok sa Brgy. Tanauan, bayang ito, na ikinamatay ng isang taong gulang na sanggol matapos tamaan ng tumagos na bala.
Sa ulat ni Police Sergeant Anthony Macario at Police Sergeant Jonathan A Lagario ng Tanza Municipal Police Station, ang biktima na si Marvin Cortez, 47-anyos, isang negosyanteng may kinalaman sa konstruksyon, at residente ng Brgy. Tanauan, Tanza, Cavite. Si Cortez ay nagtamo ng malubhang sugat matapos barilin sa leeg.
Nangyari ang pamamaril nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek si Cortez at pinaputukan ito sa leeg. Sa kasamaang palad, tumagos ang bala mula sa leeg ni Cortez at tinamaan ang sanggol na kasalukuyang nakahiga sa loob ng tindahan.
Agad na isinugod si Cortez sa MV Santiago Hospital at sa kasalukuyan, ayon sa mga ulat, nasa “estable” na kalagayan ang negosyante. Subalit, kahapon, namatay ang batang biktima habang ginagamot sa General Emilio Aguinaldo Hospital.
Sa pangunguna nina Police Sergeant Anthony Macario at Police Sergeant Jonathan A. Lagario, na kapwa may hawak sa kaso, ayon sa mga testigo, natukoy na ang gunman. Binuo na rin ang isang tracker team upang magsagawa ng hot pursuit operation laban sa suspek.
Sa isang pahayag ni Lt. Col. Willy Salazar, Tanza police chief, patuloy ang imbestigasyon hinggil sa pamamaril. Tinitingnan din ng pulisya ang anggulo ng negosyo ng biktima bilang posibleng motibo sa krimen.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.