Negosyante, hinoldap at binaril sa Laguna, patay

0
577

SINILOAN, Laguna. Binaril at napatay ang isang 65-anyos na babaeng negosyante matapos siyang holdapin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki kahapon sa Barangay Mendiola, bayang ito.

Ang biktima ay kinilalang si Lydia Susondocillo ay residente ng nabanggit na barangay. Ayon sa ulat na natanggap ni Police Col. Gauvin Yamashita Unos, direktor ng Laguna Police Provincial Office, ang insidente ay naganap habang biktima ay sakay ng tricycle na minamaneho ng kanyang pamangkin na si Jay R Susondocillo.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing ang biktima sa kanyang tindahan sa palengke nang bigla silang harangin ng isang motorsiklo na may dalawang armadong kalalakihan. Agad bumaba ang mga suspek at tinutukan ng baril ang biktima, habang pilit na inaagaw ang kanyang dala-dalang bag na naglalaman ng mahigit sa 300,000 libong piso.

Tumanggi ang negosyante na ibigay ang bag kaya binaril siya ng mga holdaper at ang kanyang pamangkin bago tumakas ang mga ito sakay ng kanilang motorsiklo patungo sa direksiyon ng Sta. Maria, Laguna.

Agad na dinala ng mga nagdaraang motorista ang mga biktima sa General Cailles Hospital sa Pakil, Laguna, subalit sa kasamaang-palad, ang ginang ay idineklarang dead on arrival, samantalang ang kanyang pamangkin ay sugatan.

Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy at mabigyan ng hustisya ang mga pangyayari.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.