Negosyanteng Singaporean patay sa Batangas

0
328

Lian, Batangas. Isang lalaking negosyanteng Singaporean ang napatay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa bayang ito sa Batangas noong Lunes ng gabi.

Sinabi ni Captain Alfredo Anadia, deputy chief ng Lian Municipal Police Station, na ang biktima na dayuhang negosyante ay si Chen Kin Tey, 66 anyos at taga-Singapore.

Ayon kay Anadia, galing si Tey sa Lian Public Market at pauwi na nang biglang barilin ng mga suspek.

Nalaman na malapit na siya sa kanyang tindahan niya nang biglang lumitaw ang mga salarin at barilin ang biktima ng malapitan habang siya’y naglalakad sa Brgy. Poblacion 2 bandang alas-6:10 ng gabi.

Ang matandang negosyante ay tinamaan sa ulo na naging sanhi ng kanyang agad na pagkamatay.

Sinabi ni Anadia na isa o dalawang gunman ang posibleng may kagagawan ng pamamaril at mabilis na tumakas patungong Brgy. Poblacion 1 matapos nilang patayin ang dayuhang trader. “Walang saksi sa lugar ng krimen dahil sa maulap na panahon, umuulan, at madilim na gabi,” ayon kay Anadia.

Samantala, ayon sa mga residente, narinig nila ang tunog ng putukan sa lugar ng krimen bago natagpuan ang patay na biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.