Negros Oriental Gov. Degamo, 5 pa pinagbabaril, patay!

0
383

Isa na namang pag-atake sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang naganap sa Negros Oriental kahapon ng umaga.

Patay si Negros Oriental Governor Roel Degamo at limang iba pa matapos pagbabarilin sa kanyang bahay habang namimigay ng ayuda sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ni Police Regional Office (PRO) 7 Director Jerry Bearis, nangyari ang insidente bandang alas-9:36 ng umaga sa may gate ng tahanan ni Gov. Degamo sa Brgy. San Isidro, Sto. Nueve, Pamplona habang kausap umano ni Degamo ang mga benepisyaryo ng 4Ps.

Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang anim na armadong lalaki na nakasuot ng “pixelized uniform at naka-full battle gear” at agad pinagbabaril ang Gobernador kung saan ay tinamaan din ang ilang mga sibilyang nasa lugar.

Ayon kay P/Lt. Col. Gerard Ace Pelare, ipinahayag ng mga testigo na ang mga suspect ay lulan ng dalawang SUVs na mabilis na nagsitakas matapos ang pamamaril.

Si Degamo at dalawang police escort ng Gobernador na kinilala lamang sa mga apelyidong Pfc Malunes at Pfc Sayon ay isinugod sa Siliman University Medical Hospital at Polymedic Hospital gayundin ang ilang sibilyang nadamay sa insidente.

Sa isang FB live ay kinumpirma naman ni Pamplona Mayor Janice Degamo, misis ni Gov. Degamo na dakong alas-11:41 ng umaga kahapon ay binawian ng buhay ang kanyang mister at lima pang biktima kabilang ang mga staff ng gobernador na katulong nito sa pamamahagi ng 4Ps.

Lumilitaw rin sa imbestigasyon na tatlo ang getaway vehicles na ginamit ng mga suspect na kinabibilangan ng Mitsubishi Pajero (NQZ 735), Izuzu pickup (GRY 162) at Mitsubishi Montero (YAP 163) na inabandona sa Brgy. Kansumalig, Bayawan City, Negros Oriental. Nasa 10 armadong suspect ang nakitang tumakas sa lugar kabilang ang mga lookout.

Noong Pebrero 17 ay sugatan sa ambush si Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr., habang apat na escort nito ang nasawi.

Dalawang araw matapos ito ay napatay sa ambush si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pa sa Bagabag , Nueva Ecija.

Nangyari ang pag-atake kay Degamo dalawang linggo matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang resolusyon ng Comelec na kinilala at itinanghal si Degamo bilang opisyal na nagwagi sa nakalipas na gubernatorial race sa Negros Oriental noong Mayo 2022.

Napag alaman na ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng tinanggal sa pwesto na si dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves laban sa poll body sa alitan sa pwesto na nagresulta sa standoff sa pagitan ng mga supporters ng una at ni Degamo sa provincial capitol sa Dumaguete City noong Oktubre 2022.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.