Nigerian ‘love scammer’ at kasabwat arestado sa Cavite

0
469

Bacoor City, Cavite. Inaresto ng pulisya ang isang Nigerian national at ang kanyang kasabwat na sangkot sa internet love scam na nagkakahalaga ng PHP2.2 milyon sa lungsod na ito sa Cavite.

Sa isang pahayag kanina, sinabi ni Lt. Michael Bernardo, team leader ng Quezon City District Anti Cybercrime Team na si Ikenna Onouha, 37 anyos na Nigerian national at Jacel Ann Paderan, 28 anyos ay inaresto sa ilalim ng sa operasyon ng Quezon City Anti-Cybercrime Team (QCDACT) at ng mga tauhan ng Quezon City District Special Operation Unit sa Molino, Bacoor City, Cavite noong Nobyembre 1.

Ang mga suspek ay may nakabinbin na warrant of arrest para sa swindling/estafa na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 230.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng biktima ni Onuoha na nakilala niya sa isang dating site.

Sinabi ng biktima na nagsimula ang kanyang relasyon sa suspek noong Abril 2020. Pagkatapos ay nagpakilala ang suspek bilang isang Turkish national na nagngangalang “Demir Balik”.

Sa takbo ng kanilang virtual na relasyon, sinabi ng biktima na ang suspek ay gumawa ng maraming pangako na kanyang pinaniniwalaan.

Nakumbinsi ng suspek ang biktima na padalhan siya ng pera na nagkakahalaga ng PHP2,282,000.

Sinabi ng pulisya na ang pera ay ipinadala sa bank account ni Paderan at isang nagngangalang Cristine Mae Elizares.

Nabola ni Onuoha ang biktima na diumano ay mayroon siyang dormant account sa isang bangko sa United Kingdom at kailangan niya ng pera para ma-settle ito.

“Nang humingi ng karagdagang pera ang suspek sa biktima, doon niya napagtanto na niloloko siya at nagpasya siya na ireport ang insidente sa aming tanggapan,” ayon kay Bernardo.

Ang pangatlong suspek na si Elizares ay nananatiling at large.

Nahaharap sila sa mga kasong swindling/estafa at pang-aabuso sa paggamit ng information and communications technology sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo