Nilagdaan na ni PBBM ang batas na nagpapaliban sa halalan ng BSKE

0
473

MAYNILA. Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Miyerkules, Agosto 13, ang Republic Act No. 12232 na nagpapaliban sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026.

Ayon sa batas, ang termino ng mga Barangay at SK officials ay magiging apat na taon. Ipinagbabawal sa mga barangay officials ang magsilbi ng higit sa tatlong sunod-sunod na termino sa parehong posisyon, habang ang mga SK officials ay maaari lamang maglingkod ng isang termino.

Gaganapin ang susunod na BSKE sa unang Lunes ng Nobyembre 2026 at tuwing ikaapat na taon pagkatapos nito. Ang mga mananalong kandidato ay uupo sa posisyon sa Disyembre 1 kasunod ng eleksyon. Mananatili ang kasalukuyang mga opisyal sa kanilang tungkulin maliban na lamang kung sila ay matatanggal o masususpinde, ngunit ang mga nasa ikatlong sunod na termino ay hindi na maaaring tumakbo muli sa 2026.

Inatasan ang Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng implementing rules sa loob ng 90 araw mula sa bisa ng batas.

Sinabi ng Pangulo na mainam na ipagpaliban ang BSKE upang mabigyang-pansin ang nakatakdang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre, na itinuturing na makasaysayan dahil ito ang unang BARMM Parliamentary Elections. Iginiit niyang mahalaga ito para sa tagumpay ng peace process sa rehiyon.

Dagdag pa ng Pangulo, mismong Comelec ang nagsabing magiging mahirap kung isasabay ang BSKE sa BARMM elections. Nilinaw din niyang hindi labag sa desisyon ng Korte Suprema ang pagpapaliban dahil hindi nito pinaiikli ang termino ng kasalukuyang mga opisyal, bagkus ay pinapalawig pa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo