Niyogyugan Festival sa Quezon, muling nagbabalik

0
475

LUCENA CITY, Quezon. Sisimulan ngayong araw, Agosto 9 hanggang 19 ng Agosto, ang masiglang pagdiriwang ng “Niyogyugan Festival” sa lalawigan ng Quezon matapos ang mahigit tatlong taong pagkaantala dahil sa pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Nesler Almagro, tourism officer ng Quezon, itinuturing na espesyal ang taunang Festival na ito dahil sa pagnanais ni Quezon Governor Helen Tan na itampok ang kahalagahan ng mga magniniyog sa selebrasyon.

Ang highlight ng selebrasyon ay ang pagtataguyod ng Coconut Farmers Foundation, kung saan ang kinikita mula sa “Niyogyugan Festival Gala Night and Fashion Show” ay ilalaan para sa programa ng scholarship para sa mga anak ng mga magniniyog.

Dagdag pa ni Almagro, kasali sa mga aktibidad ang “coco summit” kung saan makikilahok ang mga magniniyog mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan, upang talakayin ang mga programa na magpapalakas sa industriya ng pagniniyog.

Kabilang sa mga iba’t-ibang kompetisyon sa festival ang Cocolympics, Kalusugan sa Niyogyugan, Ginoo at Binibining Niyogyugan, pati na ang mga paligsahan tulad ng “Coco Zumba Dance, Declamation and Oratorical contest, Float and Street Dancing, Dance Showdown, at marami pang iba.

Naglalagay din ng mga agri-tourism booths sa paligid ng Quezon Capitol Compound upang maipamalas ang iba’t-ibang lokal na produkto na maaaring bilhin ng publiko.

Inaasahan ang pakikilahok ng mga kinatawan mula sa 40 sa 41 bayan at lungsod sa Quezon sa mga aktibidad ng sampung araw na selebrasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.