No. 1 Most Wanted Person sa Calabarzon, nasakote ng Batangas PNP

0
717

Calamba City, Laguna.  Nadakip ang No.1 Most Wanted person sa Calabarzon sa ilalim ng pinagsamang operasyon ng Rosario Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit-BPPO, at Regional Intelligence Unit 4A-Provincial Intelligence Team, ayon sa report ni Batangas Provincial Director PCOL Glicerio C. Cansilao kay Police Regional Director 4A Chief  PBGEN Eliseo C. Cruz.

Nadakip kahapon sa nabanggit na operasyon si Christian Jon Paul Tayhopon y Caponong aka Christian Tayhopon, 30 anyos, binata, katulong na matadero, tubong Obando, Bulacan at naninirahan sa Noble Subdivision, Barangay Namuco, Rosario, Batangas. 

Si Caponong ay inaresto sa bisa ng dalawang magkabukod na warrant of arrest sa kasong 5 counts ng rape at Acts of Lasciviousness na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 261, Pasig City hinggil sa insidente ng panggagahasa sa isang 12-taong gulang na batang babae noong Enero 2019. 

Siya ay nasa pangangalaga ngayon ng Rosario Municipal Police Station habang naghihintay ng kaukulang disposisyon.

“Ang pagkakaaresto ng akusado ay patunay lamang na kailanman hindi makakapagtago sa batas ang sinumang may pananagutan dito. Ang mga lumalabag sa batas ay may karampatang parusa na dapat lamang nilang pagbayaran,” ayon sa pahayag ni PCOL Cansilao.

Christian Jon Paul Caponong, arestadong suspek sa limang counts ng rape at Acts of Lasciviousness.
Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.