“No kabarangay left behind,” Kap Jeng Mendoza

0
1193

Hindi biro ang gumanap bilang barangay Chair sa panahon ito ng Covid-19 pandemic. Lalo na kung sa barangay mo ay hindi nauubos ang cases kagaya ng karanasan ni Bgry. 6D Chair Jeng Mendoza.

“Naging hamon sa akin bilang barangay chair itong pandemic dahil hindi biro ang pagtupad sa sinumpaan kong tungkulin sa ganitong pagkakataon. Hindi ko inaasahan na mangyayari ang ganitong krisis sa kalusugan,” ayon kay Kap Mendoza.

Ganon paman, ayon kay Kap Mendoza, ay lagi siyang positibo sa kanyang paglilingkod. “Nakatutok kami ng mga kasama ko sa pamunuan ng Brgy. 6D sa pamimigay ng ayuda. Naglagay din kami ng talipapa upang ang mga kabarangay ay hindi na pumunta sa palengke at maging ligtas sila,” ani Kap Mendoza.

Ikinuwento niya na ang kinikita ng talipapa ay ibinibili ng groceries ng tanggapan ng barangay 6D at ipinamamahagi sa mga kapus-palad na mga kabarangay lalo na ang mga nawalan ng trabaho at hanapbuhay sanhi ng malawakang tanggalan sa trabaho dahil sa pandemic.

“Mahirap po ngunit sa gabay po ng Maykapal ay nagagampanan ko naman ng maayos ang aking mga tungkulin sa tulong ng aking barangay officials, BPSOs at sa pang unawa at alalay ng aking asawang si Thoots. Nagpapasalamat din ako sa lahat ng aking kabarangay. Higit sa lahat ay sila ang dahilan kung bakit ako naglilingkod ngayon dito. Sila ang naging daan upang makatulong ako sa aking kapwa lalo’t higit sa mga nangangailangan,” ayon sa Brgy. Chair.

Si Kap Mendoza ay bantog sa kanyang barangay sa masusing pag aasikaso ng pagbabakuna, pagkuha ng national ID, pamamahagi ng ayuda. paghahatid ng lahat ng uri ng tulong sa mga kabarangay na naka quarantine hanggang sa pagbabantay ng mga magnanakaw sa gabi.  Kamakailan ay isang mountain bike ang ninakaw sa kanyang barangay ngunit nabawi nya ito at nakilala ang suspek.

Pinasalamatan ni Kap Mendoza si San Pablo City Mayor Amben Amante sa aniya ay kahanga hangang programa nito laban sa Covid-19. “Maraming salamat po sa mahalagang tulong ninyo sa bawat barangay, Mayor Amben. Nagpapasalamat din po ako sa City Health Office, kay Dr. James Lee Ho. Ganon di sa DSWD at sa lahat ng sangay ng LGU ng San Pablo sa kanilang walang kapagurang pag aasikaso sa amin,” ang pagkakatapos ni Kap Mendoza.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.