‘No registration, no travel’ policy, paluluwagin ng LTO ngayong Pasko

0
318

Inanunsyo ni  Land Transportation Office (LTO)  chief Vigor Mendoza II noong Huwebes na pagagaanin ng LTO ang implementasyon ng “no registration, no travel” policy sa buong bansa ngayong Disyembre, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. 

Binigyang diin ni Mendoza ang hangaring mapagaan ang pasanin ng mga drayber sa panahon ng Pasko. “Panahon ngayon ng pagdiriwang at ayaw naman natin na ang inyong LTO ay magdudulot pa ng stress sa ating mga kababayan,” ani Mendoza.

Gayunpaman, iginiit ni Mendoza na ang pagluluwag sa polisiya ay pansamantala lamang. 

Ayon sa kanyang noong Disyembre 7, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na ipinag-utos na niya sa lahat ng LTO enforcers na balaan lamang ang mga drayber ng unregistered motor vehicles.

“Gusto ko lang linawin na walang forever ang pagluluwag natin sa mga delinquent motor vehicles. Pagkatapos ng New Year celebration, balik ulit tayo sa dating paghihigpit,” dagdag pa niya.

Hinimok din ni Mendoza ang mga may-ari ng unregistered vehicles na gamitin ang kanilang 13th month pay at bonus para sa pag-renew ng kanilang rehistro. Upang mapadali ang proseso, nagtakda ang LTO ng priority lane para sa renewal ng registration sa lahat ng kanilang opisina, na magpapatuloy sa buong Disyembre.

Batay sa datos ng LTO, aabot sa 24.7 milyon o 65% ng mga sasakyan sa bansa ang klasipikadong “delinquent” o hindi pa nakakapag-renew ng rehistro. Noong Nobyembre, nagtakda ang LTO ng karagdagang checkpoints para sitahin ang mga unregistered vehicles bilang bahagi ng masusing pagpapatupad ng nasabing polisiya.

Ang “no registration, no travel” policy ay bahagi ng pagsusumikap ng LTO na mapanatili ang kahusayan at kahalagahan ng registration ng sasakyan sa bansa, na naglalayong mapanatili ang kalsada sa ligtas at maayos para sa lahat ng mamamayan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo