Notorious na sindikato ng magnanakaw sa mga Alfamart sa Batangas, binasag ng PNP

0
1152

Calamba City, Laguna. Nadakip ang pinaniniwalaang lider ng kilalang Lucky Robbery and Kidnapping Criminal Group of Muntinlupa City na suspek din sa mga serye ng kaso ng armed robbery sa mga grocery stores ng Alfamart sa Lipa City, Tanauan City at bayan ng Lian sa Batangas.

Kinilala ni Batangas Police Office Provincial Director PCOL Glicerio C. Cansilao ang lider ng sindikato ng magnanakaw na si Vez Nathaniel Bertiz Sunga alyas Lucky, 34 anyos na residente ng 1906 Franco St. Tondo, Metro Manila.

Si Sunga ay suspek din sa mga serye ng pagnanakaw sa mga tindahan ng Alfamart sa Muntinlupa, Las Piñas at ang pinakahuli ay sa Meliton Espiritu Compound, Brgy. San Antonio, Parañaque kung saan nadakip ang kasama ang dalawa pang miyembro ng sindikato.

Bukod sa mga kaso ng pagnanakaw, akusado din siya sa dalawang kaso ng attempted homicide at ika-15 sa listahan ng Most Wanted Persons sa lalawigan ng Batangas.

Nadakip ang lider ng sindikato sa ilalim ng hot pursuit operations na isinagawa ng  mga miyembro ng Parañaque City Police Station katulong ang pwersa ng Provincial Intelligence Unit-Batangas PPO sa pangunguna ni PMAJ Alfonso P. Saligumba lll, Regional Intelligence Unit 4A- Batangas Provincial Intelligence Team, 1st Batangas Provincial Mobile Force Company, Lipa City Police Station at Tanauan City Police Station noong Mayo 31 ng gabi, ayon sa ulat ni Cansilao kay PRO CALABARZON Regional Director PBGEN Antonio C. Yarra. 

Narekober sa kanila ang iba’t ibang instrumento at kasangkapan sa pagnanakaw tulad isang big size bolt cutter, isang pointed steel flat. Nasabat din ng mga pulis ang sasakyan ng mga suspek na isang Nissan Serena na matapos i-verify ng LTO ay nakarehistro sa ilalim ng pangalan ng Westminster High School Inc, na may address sa Honorio Lopez Blvd. Balut, Tondo, Maynila.

Naniniwala si Yarra na dahil  sa pagdakip sa suspek ay nabuwag ang sindikato ng aniya ay mga “tulisan” na sangkot sa sunod sunod na nakawan sa iba’t ibang tindahan ng Alfamart sa Batangas at mga karatig lalawigan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.