NPA rebel, patay sa engkwentro sa lalawigan ng Quezon

0
328

SARIAYA, Quezon. Patay ang isa sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA)matapos makipag barilan sa mga awtoridad kaninang madaling araw sa Brgy. Lutucan Malabag sa bayang ito.

Ayon sa report ni Maj. Romar Pacis, hepe ng Sariaya Municipal Police Station, ang nasawing rebelde ay kinilalang si Isagani Valencia Isita, 42 anyos, miyembro ng CTG-NPA at residente ng Brgy. Banaba, Padre Garcia, Batangas.

Si Isita ay may nakabinbin na mga kaso ng murder, direct assault upon agents of person in authority, arson, at paglabag sa Anti-terrorism Act of 2020 sa mga sala ng RTC Branch 46 sa Occidental Mindoro; RTC Branch 83 Tanauan City, Batangas; RTC Branch 87 sa Rosario, Batangas; at RTC Branch 7, Batangas City.

Sinabi ni Maj. Pacis na dapat sana ay aarestuhin si Isita sa bisa ng warrant of arrest ngunit noong makutuban nito na paparating na mga pulis at sundalo ay pinaputukan nito ang raiding team na binubuo ng mga miyembro ng Sariaya Police, RMFB 4A MIG 4, 1st QPMFC. Napilitan namang gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ni Isita na idineklarang dead-on-arrival sa Candelaria Doctors Hospital.

Nakuha sa pag-iingat ni Isita ang dalawang high powered rifles at mga bala.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.