Occidental Mindoro Governor nadadawit sa flood control projects

0
288

MAYNILA. Nadadawit sa kontrobersiya kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano.

Matatandaang lantaran niyang binunyag kamakailan ang umano’y substandard na mga istruktura sa kanyang lalawigan at hinikayat ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon. Giit ni Gadiano, mahina ang pagkakagawa ng ilan sa mga proyekto dahil kulang sa materyales at plano.

Ngunit batay sa dokumentong nakalap ng Pilipino Star Ngayon, lumitaw na mismong si Gadiano ang nagpanukala ng pondo para sa mahigit 70 flood control at road projects sa Occidental Mindoro.

Sa isang liham na may petsang Enero 27, 2025 na ipinadala kay dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo sa pamamagitan ni Engr. Gerald A. Pacanan, Regional Director ng DPWH MIMAROPA, humiling si Gadiano ng pondo para sa mga proyektong ito.

Kabilang sa listahan ang ilang flood control structures sa bayan ng Sablayan at Rizal na kalaunan ay kinondena mismo ng gobernador matapos niyang inspeksyunin at tawaging depektibo ang disenyo at pagkakagawa.

Bagama’t itinanggi ni Gadiano ang pagkakasangkot at iginiit na hindi nakipag-ugnayan ang DPWH sa lokal na pamahalaan, taliwas dito ang nakasaad sa mga opisyal na dokumentong nakuha ng media.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.