OFW pinatay ng RiT sa harap ng 82-anyos na ina

0
470

LOBO, Batangas. Isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) ang patay matapos pagbabarilin sa mukha ng riding-in-tandem (RiT) habang sakay ng isang pampasaherong tricycle kasama ang kanyang 82-anyos na ina, kamakalawa sa Brgy. Balatbat, bayang ito sa Batangas.

Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Lorna Boongaling Babao, 53-anyos, residente ng Brgy. Balatbat, Lobo, Batangas. Nakaligtas naman ang kanyang ina na si Rosita Boongaling Babao, na residente rin ng nasabing lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 11:23 ng umaga nang maganap ang insidente. Sakay ang mag-ina ng isang pampasaherong tricycle at pauwi na sana nang dikitan ng isang motorsiklo na may sakay na dalawang armadong suspek. Agad na pinagbabaril ang biktima sa mukha saka mabilis na tumakas, bitbit ang caliber .45 pistol na ginamit sa pamamaslang.

Nagsasagawa na ng dragnet operation ang pulisya upang madakip ang mga suspek habang inaalam pa nila ang motibo sa krimen. Lumalabas sa imbestigasyon na kapwa nakasuot ng itim na bonnet, long sleeves, at itim na pantalon ang mga suspek, at sakay ng Kawasaki Barako na motorsiklo.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.