OFWs na humihiling ng repatriation umabot na sa higit 1,000 — OWWA

0
133

Mahigit 1,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang makauwi sa Pilipinas dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East, ayon sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Miyerkules.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, hanggang alas-12 ng tanghali, 1,189 OFWs na ang nagpaabot ng kanilang kahilingan para sa repatriation.

Ang pagkakahati ng mga kahilingan ay ang mga sumusunod:

  • Bahrain — 278
  • Abu Dhabi — 246
  • Dubai — 231
  • Qatar — 173
  • Kuwait — 62
  • Israel — 46
  • Lebanon — 5

“Ang kabuuang repatriation requests na natanggap mula sa ating OFWs ay 1,189,” ani Caunan sa isang press briefing.

Ang tensyon sa rehiyon ay tumindi nitong nakaraang weekend kasunod ng sama-samang operasyon militar ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.

Paghahanda ng gobyerno

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), wala pang mass repatriation na isinagawa, ngunit inihahanda ng gobyerno ang alternatibong paraan ng pag-uwi, kabilang ang paglalakbay sa lupa.

“Gagabayan tayo ng alert levels mula sa DFA. Gumagawa tayo ng hakbang upang masiguro na ligtas silang makauwi,” ani Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

Dagdag pa niya, “Ang kaligtasan pa rin ang pangunahing prayoridad, at sa ngayon, hindi posible ang air transport mula sa mga apektadong bansa sa Gulf at Israel.”

Pinayuhan din ni Cacdac ang mga Pilipino na sundin ang mga protocol na itinakda ng kanilang host government.

‘Life goes on’ sa UAE

Tungkol naman sa sitwasyon sa United Arab Emirates (UAE), sinabi ni Cacdac na “life goes on” para sa mga OFWs doon, habang patuloy silang nagtatrabaho sa kabila ng tensyon.

“Kung titingnan natin ang Abu Dhabi, patuloy ang buhay, nagtatrabaho pa rin sila. Sa Dubai, may work from home na ipinatutupad. Patuloy ang trabaho, at hindi ganoon kalala ang epekto sa kanilang kabuhayan,” paliwanag niya.

Aniya pa, “Ipinapakita rin nito ang proteksyon na ibinibigay ng host country. Sa UAE, sa pangkalahatan, normal ang takbo ng buhay. Bagamat naririnig nila ang mga bombings at atake, alam nilang protektado sila ng kanilang gobyerno.”

Ayon naman kay Philippine Ambassador sa UAE Alfonso Ver, nananatiling kalmado ang UAE habang epektibo ang kanilang depensa laban sa drone attacks.

Repatriation process

Sa Dubai, may paunang listahan na ng 200 Pilipino para sa repatriation mula sa Migrant Workers Office (MWO), sa tinatayang 500,000 OFWs sa lungsod.

“Subject sa evaluation kung sino ang puwedeng i-repatriate. Dapat walang kaso o travel ban, at may passport. Maaari silang tumawag sa hotline para sa impormasyon. Kaya hindi automatic ang sagot ng gobyerno,” ani Labor Attaché John Rio Bautista.

Nagpapadala rin ang DMW ng mga e-mail sa mga OFWs sa UAE upang kumpirmahin kung nais nilang umuwi.

Tulong sa stranded OFWs

Ayon sa DMW, 1,824 OFWs sa mga apektadong lugar ang natulungan ng ahensya sa pamamagitan ng pagkain, hygiene kits, pinansyal na tulong, pansamantalang tirahan, welfare checks, suporta sa evacuation, at pagbisita sa ospital.

Natulungan din ang 236 Pilipino na stranded sa mga international transit hubs, kabilang ang Hong Kong, Singapore, at Kuala Lumpur.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit 1,000 Pilipino ang humiling ng repatriation. Nilinaw ng DMW na kasama rito ang mga turista at non-OFWs.

Hinihikayat ng Pangulo ang lahat ng Pilipino sa Midle East na mag-ingat at umaasang magkakaroon ng mabilis na ceasefire.

Emergency contact

Ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong ay maaaring makipag-ugnayan sa OWWA sa mga sumusunod na hotline:

  • Metro Manila: 1348
  • Regional: 02-1348
  • Viber: +63-915-079-5005 (Globe), +63-969-169-7068 (Smart), +63-966-473-9543 (Globe)
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.