Oil spill posibleng makaapekto sa Puerto Galera, Batangas

0
700

Sinabi ng isang educator mula sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) na maaaring umabot sa Puerto Galera at Batangas ang oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.

Ayon kay UP-MSI associate professor Dr. Irene Rodriguez, sa isinagawang projection kamakailan, batay na rin sa takbo ng agos ng tubig at ihip ng hangin, bumagal ang Amihan at patungo na pa-norte sa Verde Island passage.

“Based on projections, ang oil slick ay posibleng madala towards the north. So, pa-hilaga ang direksyon ng oil slick at ito ay maaaring makaapekto sa munisipalidad o coastal environments ng Calapan, Puerto Galera, at areas sa Batangas,” ayon kay Rodriguez, sa isang panayam sa radyo kahapon.

Noong Biyernes, kinumpirma ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress ay umabot na sa Calapan City.

Sinabi naman ni Mayor Rocky Ilagan na hanggang noong Huwebes ay hindi pa naman ito nakakaabot sa Puerto Galera o nakakaapekto sa mga isda doon.

Upang mapigilan ang higit pang pagkalat ng oil spill, iminungkahi ni Rodriguez na maglagay ng mga fireproof spill booms at sunugin ang langis.

“Certain volume lang, hindi ‘yung kalahatan. Maghihiwalay ka lang ilang volumes, 20,000 to 30,000 liters, mula sa major oil slick. Kapag nadala na sa mas kalmadong lugar ng dagat, saka siya sisindihan…and then repeat again the process,” paliwanag pa niya.

Sinuportahan din niya ang panukala na pagbawalan muna ang malalaking barko na dumaan sa Verde Island dahil ikinukonsidera itong sentro ng marine biodiversity.

Matatandaan na may kargang industrial fuel oil ang MT Princess Empress ng lumubog ito sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro dahil sa malakas na alon noong Pebrero 28.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.