Gumawa ng parol na nagpapakita ng pagkamalikhain at kultura ng iyong lalawigan at magkaroon ng pagkakataong makapag-uwi ng PHP100,000.
Sa opisyal na Facebook page nito, inihayag ng Office of the President (OP) na nakipag tulungan ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at naglunsad ng nationwide parol-making contest na naglalayong itampok ang talino at kulturang Pilipino.
Tinaguriang “Isang Bituin, Isang Mithiin: A Nationwide Parol-Making Competition,” ang paligsahan ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga nanalong kalahok na maitampok sa Christmas Tree ng Palasyo ng Malacañang at manalo ng iba pang kapanapanabik na mga premyo.
Ang mga mekanika ng kompetisyon ay ang mga sumusunod:
- Bukas ang patimpalak na ito sa lahat ng indibidwal o grupong Pilipino (maximum na apat na miyembro).
- Ang entry ng parol ay dapat gawin gamit ang hindi bababa sa 70 porsiyentong endemic na materyales mula sa Pilipinas.
- Dapat may ilaw. Gayunpaman, hindi pinapayagan ang live fire.
- Dapat itong 2 talampakan ang diyametro na may kapal na humigit-kumulang 35 porsyento ng diameter (mula sa gitna nito)
- Dapat itong tumagal sa anumang uri ng panahon.
- Kailangang isumite ng mga local government unit ang kanilang napiling parol entry sa Malacañang sa o bago ang Nob. 14, 2022.
Ang mga entry ay huhusgahan ayon sa pagsunod sa parol specification (30 percent); paggamit ng mga endemic na materyales (20 percent); pagkakayari (25 percent); at pagkamalikhain (20 percent).
Ang mananalo sa unang puwesto ay makakakuha ng PHP100,000, ang mananalo sa pangalawang pwesto ay PHP75,000, at ang mananalo sa ikatlong pwesto ay PHP50,000.
Lahat ng mananalo ay makakatanggap din ng mga laptop at itatampok sa state-run Radio Television Malacañang.
Ang mga pambansang nagwagi ay ibubunyag sa Disyembre 3 sa Christmas Tree Lighting Event sa Palasyo ng Malacañang.
Ang mga LGU na interesadong sumali sa patimpalak ay maaaring tumugon sa mga katanungan sa sosec@malacanang.gov.ph.
Ang parol ay isang hugis bituin na natatangi sa Pilipinas. Ito ay sumisimbolo sa bituin ng Bethlehem na gumabay sa ‘tatlong hari’ patungo sa lugar kung saan ipinanganak si Hesukristo.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.