P.8 milyong halaga ng shabu, nakumpiska sa 4 tulak sa Lucena

0
127

LUCENA CITY, Quezon. Nakumpiska ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Lucena City Police Station ang halagang aabot sa P.8 milyong shabu matapos ang sunod-sunod na anti-drug operation sa lungsod na ito kamakalawa ng madaling araw.

Sa ulat ni PLt. Col. Ruben Ballers Jr., hepe ng pulisya dito, unang isinagawa ng mga operatiba ng CDEU, na pinamumunuan ni Capt. Benito Nivera, ang buy-bust operation sa Purok Green Hills Phase 3, Brgy. Market View dakong alas 12:55 ng madaling araw.

Arestado sa nasabing operasyon ang dalawang High Value Individual (HVI), sina Marvin Dudas, 32, ng Purok Bagong Buhay, Brgy. Cotta, at Erick Oriola, 23, ng Purok Little Baguio 1 Red-V, Brgy. Ibabang Dupay, parehong residente ng Lucena City.

Sa mga suspek, nakumpiska ang 10.31 gramo ng shabu na may kabuuang halagang mahigit sa P600,000. Kasama rito ang 10 piraso ng P1,000 boodle money at isang P1,000 marked money na ginamit ng pulis na nagpanggap na buyer.

Sa sunod-sunod na follow-up operation na isinagawa dakong alas-4:02 ng umaga sa Purok Damayan 1, Landing Road, Brgy. Ibabang Iyam, naaresto ang dalawang suspek na sina John Oliver Mallari, 25, residente ng nasabing lugar, at Leonardo De La Rosa ng Purok Riverside, Brgy. Ibabang Dupay.

Nakumpiska mula sa dalawang ito ang drogang may halagang aabot sa P210,000, bukod pa sa mga boodle money at marked money.

Sa kabuuang halaga na P820,324 ng hinihinalang shabu na nakuha mula sa apat na tulak, sila ngayon ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.