P1.2M jalaga ng Marijuana at shabu, nasamsam sa Calabarzon; 10 suspek arestado

0
64

LUCENA CITY. Umabot sa mahigit P1.2 milyon ang halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Laguna, Cavite, at Rizal nitong Martes, ayon sa ulat ng Region 4A police. Labing-isang operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 10 suspek, kabilang ang mga high-value individuals (HVI) at mga street-level pushers.

Sa Sta. Rosa City, Laguna, dakong 8:15 ng gabi, nahuli ang isang HVI na kinilala lamang sa pangalang “Marvin” matapos bentahan ng P3,000 halaga ng marijuana ang isang undercover na operatiba sa loob ng isang subdivision sa Barangay Kaingin.

Bukod sa marked money, nakumpiska rin kay Marvin ang isang plastic sachet at tatlong bundle ng tuyong dahon at namumukadkad na marijuana na tinatayang may bigat na 6 kilo at nagkakahalaga ng P720,000.

Sa isa pang operasyon sa Barangay Anabu 1-E, Imus City, Cavite, bandang 5:30 ng hapon, naaresto ang isa pang HVI na kinilala lamang bilang “Atenta”. Nakuha sa kanya ang tatlong pakete ng shabu na tumitimbang ng 50 gramo at may tinatayang halaga na P340,000. Kabilang din sa mga nakumpiska ang isang cellphone na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na transaksyon.

Sa Barangay Sta. Lucia, Dasmariñas City, nadakip sina “Joseph”, “Jama”, at “Willy” na pawang mga street-level drug pushers. Dakong alas-5 ng hapon, nakuha sa kanila ang walong pakete ng shabu na may kabuuang halagang P83,504.

Samantala, sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, bandang 8:30 ng gabi, nahuli sina “Romira” at “Fel” na nakuhanan naman ng apat na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P69,360.

Mas maaga pa, isinagawa ang buy-bust operation laban kina “Sofia”, “Jun Mark”, at “Juanito”, kung saan narekober ang limang pakete ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P78,200.

Ayon sa pulisya, ang lahat ng naarestong suspek ay nasa local police watch list bilang mga sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga sa kani-kanilang mga barangay.

Ang mga nahuling indibidwal ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang kampanya ng awtoridad laban sa ilegal na droga sa buong rehiyon, na may layuning putulin ang operasyon ng mga sindikato at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.