ZAMBALES. Nasabat ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 1.5 tonelada ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱10.2 bilyon mula sa isang bangkang pangisda sa karagatan ng Zambales, bandang hatinggabi noong Hunyo 20, 2025.
Ang bangka, na rehistradong Pilipino, ay may sakay na dayuhang may lahing Chinese-Malaysian na pinaniniwalaang konektado sa Sam Gor International Crime Syndicate, ang parehong sindikato sa likod ng mga naunang drogang itinapon o iniwan sa baybayin ng bansa.
Isa ito sa pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng Pilipinas, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Katuwang sa operasyon ang Philippine Navy – Northern Luzon Naval Command, PNP Drug Enforcement Group, at Police Regional Office 3.
“Malapit nang maipadala ng sindikato ang panibagong kargamento ng shabu kung hindi naagapan. Ginawa ang delivery sa dilim para makaiwas sa mga awtoridad,” pahayag ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.
Dagdag ni Nerez, kailangang ipaliwanag ng lokal na may-ari ng bangka ang kanyang papel sa operasyon.
“Kung hindi dahil sa malakas na pagpapatrolya ng Philippine Navy at mahusay na koordinasyon ng mga ahensya, maaaring nakapasok na ang droga sa ating mga komunidad,” dagdag pa niya.
Patuloy ang pagtutulungan ng PDEA at ng mga kasangga nitong ahensya sa pagtitiyak ng seguridad laban sa paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






