P12 bilyong halaga ng COVID-19 vaccine, nasayang

0
160

Umaabot sa P11 bilyon hanggang P12 bilyon ang halaga ng nasayang na COVID-19 bakuna sa bansa, ayon sa ulat.

Lumtaw ito sa gitna ng pagsusuri ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa 2024 budget ng Department of Health (DOH), kung saan si Sen. Pia Cayetano ang nag-sponsor ng panukalang pondo para sa ahensya.

Sa pahayag ni Cayetano, tinatayang may kabuuang 49.7 milyong doses ng COVID-19 bakuna ang nasayang, kung saan 26.2 milyong doses ay galing sa donasyon, habang 23.7 milyon naman ay binili ng pamahalaan.

Batay sa posibleng halaga na P500 kada vial ng COVID-19 vaccine, lumalabas na umaabot sa P11 bilyon hanggang P12 bilyon ang halaga ng nasayang mula sa 23.7 milyong doses na binili subalit hindi nagamit.

Ayon kay Cayetano, ang dahilan ng nasayang na bakuna ay ang pag-expire nito dahil sa napakaikli ng shelf life. May mga donasyon ng bakuna na ibinigay sa bansa na may itinatagal lamang na isa hanggang tatlong buwan, kaya’t hindi nakapagtataka na marami ang nasasayang dahil sa maikli na lamang ang panahon para magamit ang mga ito.

Ang nasayang na bakuna ay nagdudulot ng pangamba hinggil sa epek­tibong pamamahagi at paggamit ng COVID-19 vaccines sa bansa, at nagtutulak ng pangangailangan para sa masusing pagpaplano at pamamahala ng vaccine supply.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.