P13.3 bilyong halaga ng droga naharang sa Batangas checkpoint

0
175

ALITAGTAG, Batangas. Naharang ng mga awtoridad ang humigit-kumulang na P13.3 bilyong halaga ng droga na lulan ng isang pampasaherong van sa isang checkpoint sa Barangay Pinagkurusan, bayang ito.

Arestado ang drayber ng Foton passenger van, na kinilalang si Alajon Michael Zarate, 47 anyos at residente ng Project 4 Masagana sa Quezon City. Kasalukuyan na itong nasa pangangalaga ng pulisya at sumasailalim sa masusing imbestigasyon.

Batay sa unang ulat, nangyari ang insidente kaninang alas-9:00 ng umaga, nang sitahin sa checkpoint ang nasabing sasakyan na diumano ay galing sa bayan ng Sta. Teresita sa Lipa City, Batangas.

Napansin ng mga awtoridad ang van na puno ng mga sako, kaya agad itong pinara. “When requested about the driver’s license, the suspect was unable to present the same. While being asked about his driver’s license, the suspect became uneasy and uncomfortable,” ayon sa ulat ng pulisya.

Sa inspeksyon, natuklasan ng mga pulis ang mga sako ng droga sa loob ng sasakyan.

Sa isinagawang press conference, agad na ipinag-utos ni Department of Interior Local and Government (DILG) Sec. Benjur Abalos ang pagkasira sa mga nakumpiskang hinihinalang shabu.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.