MAYNILA. Aabot sa P15 bilyon ang kakailanganin para sa sinuspindeng rehabilitation project sa EDSA, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments, sinabi ni Dizon na ito ang kabuuang halaga kung ang proyekto ay ipagpapatuloy hanggang 2027.
“Nagsabi po ang Department of Public Works and Highways ng amount hanggang 2026 — end of 2026 ito po ay P8.7 billion. Pero yun pong mga matitira pa na aabot ng 2027, ang estimate ng DPWH, ang total po ay aabot ng P15 billion,” ani Dizon.
Paliwanag ni Dizon, ang estimate ng DPWH ay P8.7 bilyon lamang kung matatapos ang proyekto sa katapusan ng 2026, ngunit lalaki ito sa P15 bilyon kung aabutin hanggang 2027.
Matatandaang inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang buwang pagpapaliban sa rehabilitasyon ng EDSA noong Linggo. Ayon kay Dizon, layunin nito ang paghahanap ng mas epektibong paraan at bagong teknolohiya upang mapabilis ang proyekto.
Binigyang-diin ni Dizon na ang delay ay hindi nangangahulugang kanselado na ang rehabilitasyon, kundi pansamantalang ipinagpaliban upang matiyak ang pinakamainam na paraan ng pagsasagawa nito.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo