P15 milyong halaga ng shabu, naharang ng pulis Calabarzon

0
265

Calamba City, Laguna. Mahigit sa P15 milyon na halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Police Regional 4A at PDEA 4A sa magkahiwalay na buy bust operation sa Laguna at Quezon, kahapon, Marso 19, 2023.

Nakumpiska ng mga tauhan ng Sta. Rosa City Police Station at ng Philippine Drug Enforcement Group ang mahigit sa 700 gramo ng shabu sa isang lalaking drug pusher na nasa listahan ng High value individual ng Laguna.

Kinilala ni Police Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director ng Police Regional Office 4A ang suspect na si Joemar Demandante, 40 anyos, at residente ng Ayala Southville, Almanza Uno, Las Pinas City.

Sinabi ni Col. Silvio na matagal ng pinaghahanap ng kapulisan sa Sta Rosa ang suspek dahil pinaniniwalaang siya ang  nagdadala ng droga sa lugar. Nahuli siya sa ilalim ng buy bust operation ng pulis.

Sa lalawigan naman ng Quezon, timbog din sa entrapment operation ng pulisya ang isang buy and sell agent matapos itong mahulihan ng P 7.6 milyong pisong halaga ng illegal drugs sa lungsod ng Lucena noong Linggo ng madaling araw.

Nakatakdang humarap ang suspek na si Adrian Saludez, 34 anyos, na residente ng Immaculada Subdivision, Brgy. Isabang, Lucena city.

Si Saludez ay dinakip ng mga tauhan ng Quezon provincial Drug Enforcement Unit at PDEA region 4A sa aktong nagbebenta ng droga sa undercover agent ng pulisya.

Parehong haharap ang dalawang nadakip sa paglabag sa Section 5 ng R.A 9165 o ang Dangerous Drug Act of 2002.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.