MAYNILA. Isiniwalat ng kontraktor na si Sally Santos ng SYMS Construction na nagbigay umano siya ng P1 bilyong komisyon kay dating Assistant District Engineer Brice Erickson Hernandez mula sa mga ghost projects sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Santos na sina Hernandez at dating Construction Section Chief ng 1st District Engineering Office na si Jaypee Mendoza lamang ang kanyang naging katransaksiyon. Ayon sa kanya, ang sistema ay pinapakontrata sa kanila ng Wawao Builders ang proyekto ayon sa direktiba nina Hernandez at Mendoza matapos magpahiram ng lisensiya.
Matapos maiproseso, pumapasok ang bayad ng gobyerno sa Wawao Builders, na idinedeposito naman sa account ng SYMS. Mula rito, inilalabas umano ni Santos ang pera na aabot sa P245 milyon at dinadala sa opisina ni Hernandez na nakalagay sa kahon ng noodles at mga tsitsirya.
Aminado si Santos na umabot sa P1 bilyon ang naideliber niya kay Hernandez mula 2022 hanggang 2025. Iginiit din niya na hindi niya nakatransaksiyon si dating District Engineer Henry Alcantara.
Samantala, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtatatag siya ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa flood control projects.
Ayon sa Pangulo, bubuuin ang komisyon ng mga abogado, mahistrado, imbestigador, at forensic accountant mula sa NBI at COA. “Wala pang formal name, pero ‘yun ang binubuo namin, independent commission para imbestigahan ito ngang mga lumalabas na anomalya sa mga flood control projects,” pahayag ni Marcos.
Dagdag pa niya, bibigyan ng kapangyarihan ang komisyon upang maglabas ng findings at rekomendasyon kung sino ang dapat kasuhan sa DOJ o Office of the Ombudsman.
“Who is more important, your friend, your political supporter, or every single ordinary Filipino citizen? Who is more important? To me, it’s the Filipino citizen. Nobody is more important than Filipinos. Nobody, nobody, not one person is more important,” diin ng Pangulo.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





