P3.4 milyong halaga ng shabu nasabat; 2 drug dealer nahuli

0
194

ROSARIO, CAVITE. Isinagawa ng mga awtoridad ang isang matagumpay na drug bust operation kahapon ng gabi sa Brgy. Tejero, bayan ng Rosario, kung saan nadakip ang dalawang hinihinalang malalaking pusher at dealer ng shabu. Sa operasyon, nakumpiska ng pulisya ang mahigit sa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

Kinilala ni Pol Col. Christopher Olazo, director ng Cavite Provincial Police Office, ang mga suspek na sina Basit Dimasira Mamacol alyas “Mosib,” 42 taong gulang, ng Brgy. Tejeros Convention, at Sandy Jailani Rabalon, 43 taong gulang, ng Brgy. Silangan 1, pawang residente ng Rosario, Cavite. Sila ay itinuturing na mga high-value target ng pulisya sa nasabing lugar.

Ayon kay Olazo, nagsanib ang mga puwersa ng PDEA RO IV-A RSET 2, RSET 1, Cavite Police Office, at Rosario MPS upang isagawa ang malaking buy-bust operation. Ang nasabing operasyon ay naganap bandang alas-6:40 ng gabi sa New Market Road, Brgy. Tejero, Rosario, Cavite.

Bago isagawa ang buy-bust, nagkaroon ng ilang araw na pagmamanman ang grupo sa mga suspek. Matapos kumpirmahin na sangkot sila sa ilegal na gawain, inilatag ang buy-bust operation.

Sa pag-aresto sa mga suspek, nakumpiska mula sa kanila ang higit sa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,450,000, kasama ang mga drug paraphernalia.

Nakatuon ang mga awtoridad sa patuloy na paglaban sa iligal na droga upang panatilihing ligtas at payapa ang komunidad. Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay na hindi titigil pulisya sa kanilang misyon na sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga sa lalawigan ng Cavite, diin ni Olazo.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.