MAYNILA. Humihirit ng P3 taas-presyo ang mga kumpanya ng de-latang sardinas mula sa kasalukuyang P21 suggested retail price (SRP), bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng tin sheets o mga materyales para sa lata.
Ayon sa Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP), isinumite na nila ang kanilang apela sa Department of Trade and Industry (DTI) upang itaas sa P24 ang SRP ng mga low economy standard na sardinas.
Paliwanag ni CSAP Executive Director Francisco Buencamino, hindi tulad ng premium sardines, hirap nang makabawi sa kita ang mga gumagawa ng murang sardinas dahil sa mga imported na materyales gaya ng lata na tumataas ang presyo, bukod pa sa mahinang palitan ng piso kontra dolyar.
“You will see lesser number of brands in the SRP level,” babala ni Buencamino kung hindi maaprubahan ang kanilang hiling.
Dagdag pa niya, nakakaapekto rin sa industriya ang pabagu-bagong presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, nilinaw ni Buencamino na hindi totoo ang mga ulat na lumiit ang laman ng sardinas mula sa mga miyembro ng CSAP.
Aminado siyang nagkakaroon ng kakulangan sa huling tamban, ang pangunahing isda sa sardinas, ngunit kung mas maliliit ang nahuhuling isda, dinaragdagan ang dami sa bawat lata upang mapanatili ang tamang timbang.
Ayon pa sa kanya, naapektuhan din ang suplay ng tamban sa municipal waters dahil sa patuloy na ilegal na pangingisda gamit ang dinamita, dahilan upang humanap ang mga kumpanya ng alternatibong lugar kung saan mas malalaking isda ang maaaring hulihin.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.