P358 milyong halaga ng pekeng sigarilyo, nasamsam sa pabrika sa Cavite

0
266

CAVITE CITY. Nakumpiska ng mga awtoridad ang P358 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo sa dalawang pabrika at isang bodega sa isinagawang mga pagsalakay sa Cavite noong Huwebes.

Sa isinagawang operasyon, umaabot sa 3.12 milyong pakete ng mga pekeng sigarilyo at walong makina ang nasamsam ng mga ahente ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (NBI) sa magkasabay na pagsalakay sa Dasmariñas City at Indang, Cavite.

Ayon kay Eric Diesto, BIR regional director para sa Revenue Region No. 9A-CaBaMiRo (Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Romblon), ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng BIR laban sa ilegal na sigarilyo, na naglalayong sugpuin ang malawakang krimen at protektahan ang kalusugan at ekonomiya ng bansa.

Nagpahayag naman si Jesus Manapat, hepe ng NBI Intellectual Property Rights Division (IPRD), na ang nagkaisang pwersa ng BIR at NBI ay naglalayong humadlang sa mga sindikato ng krimen at maprotektahan ang publiko sa mapaminsalang epekto ng iligal na sigarilyo.

Sa unang bahagi ng operasyon, nakuha ng NBI at BIR ang 1.6 milyong pakete ng mga ipinagbabawal na sigarilyo mula sa isang bodega sa Dasmariñas. Kasunod nito, sa pabrika sa Indang ay nakumpiskaan din ng 1.1 milyong pakete ng pekeng sigarilyo, kasama ang mga makina sa paggawa at pagpakete ng mga ito.

Sa iba pang pabrika sa Dasmariñas, nadiskubre ang dalawang makina sa paggawa ng sigarilyo at dalawang makina sa pagpakete, kasama ang 408,000 pakete ng sigarilyo.

Ang mga operasyon ay pinangunahan nina Atty. Jason Torres, hepe ng BIR Regional Investigation Division-CaBaMiRo, at John Ignacio, opisyal ng NBI-IPRD, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa patuloy na paglaganap ng pekeng sigarilyo.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo