P4.4 milyong halaga ng shabu at party drugs nasabat sa drug operations sa Cavite at Quezon

0
208

LUCENA CITY/BACOOR CITY. Dalawang magkahiwalay na operasyon kontra droga ang isinagawa ng mga awtoridad sa Cavite at Quezon na nagresulta sa pag aresto ng pitong suspek at pagsamsam ng P4.4 milyong halaga ng shabu at party drugs.

Sa Bacoor City, sa Cavite, nahuli ang isang high-value target na si alyas “Haron,” 29-anyos, isang cellphone vendor mula sa Brgy Balibago, Angeles City, Pampanga. Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), si Haron ay dinakip sa open parking lot ng isang kilalang mall sa Brgy. Habay 2 matapos itong makuhanan ng P1.2 milyong halaga ng shabu at ecstasy.

Nakipag-deal ang isang poseur buyer kay Haron na nagdala pa ng droga mula Pampanga. Nasabat sa kanya ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P345,000 at 503 piraso ng ecstasy tablets na umaabot sa P1.2 milyon.

Samantala, sa Quezon, sa magkakahiwalay na operasyon ng Quezon Police, anim na suspek ang naaresto kabilang ang tatlong High Value Individuals (HVI) at tatlong Street Level Individuals (SLI). Sa limang buy-bust operations, nasamsam ang 158.44 gramo ng shabu na may halagang P3,232,176.

Nahuli ang mga SLIs na sina alyas “Jayson” sa Lucena City, alyas “Jaymar” sa Gumaca, at alyas “Leonida” sa Candelaria. Natimbog naman ang mga HVIs na sina alyas “Christopher” at alyas “Rustie” sa Candelaria, at si alyas “Sharly,” isang 43-taong gulang na babae mula sa Brgy. Sto. Cristo Sariaya, Quezon, na may dalang 130 gramo ng shabu.

Ang lahat ng mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinailalim na sa pagsusuri ng Forensic Unit. Ang mga nadakip ay haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.