P500 diskwento sa grocery para sa mga senior at PWDs, planong ipatupad sa Marso

0
196

Inaapura ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagpapatupad ng P500 diskwento para sa mga senior citizen at mga person with disability (PWDs) sa mga grocery store at supermarkets.

Ito ay matapos na ihain ni Ways and Means Chairman at Bicol Rep. Joey Salceda ang panukala na gawing P125 kada linggo o P500 kada buwan ang diskwento para sa mga nabanggit na sektor.

Sa kasalukuyan, ang diskwento ng mga senior at PWDs ay nasa P65 kada linggo lamang o P260 sa buong buwan para sa kanilang mga binibili sa grocery.

Ayon kay Speaker Romualdez, “kaya itong gawin agad kahit next month dahil isang memorandum circular lang naman ng Department of Trade and Industry o DTI ang kailangan para ibaba sa lahat ng grocery stores at supermarkets”.

Sinabi naman ni DTI Asec. Amanda Nograles na kanilang inaayos ang isang Inter-Agency Committee circular upang mabilis na maipatupad ang kagustuhan ng lider ng House na magkaroon ng P500 diskwento kada buwan para sa mga grocery items ng senior citizens at PWDs.

“Buksan din natin ang posibilidad na magbigay ng iba pang tulong para sa mga seniors at PWDs na karaniwang limitado lang ang kanilang pensyon,” ayon sa lider ng Kamara.

Binigyang-diin niya, “Siguro naman, napapanahon na na tingnan ulit ang batas na ito na ipinasa noong 2010, sapagkat medyo hindi na angkop ang ilang probisyon nito sa kasalukuyang panahon”.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.