“Kung tutuusin,” sabi ng DTI, ay sapat daw ang ₱500 para sa Noche Buena ng isang pamilyang Pilipino na apat ang miyembro. Kasya na daw ito sa ham, spaghetti, at macaroni salad.
Anong klaseng consumer guidance kaya ang tinuos na ‘yan ng DTI? Dahil ang ipinakita nila ay hindi gabay, kundi listahan para sa tanga.
Sabi nila, hanapin daw ang pinakamurang brand. Naku, eh matagal ng ginagawa yan ng mga nanay at tatay at alam na rin nila na ang pinakamura ay mas kakaunti, at mas mababa ang quality. Hindi ito guidance. Common sense ito na araw-araw nang binubuno ng mamimili para hapitin ang budget sa loob ng isang linggo.
Sabi pa nila, “simple” Noche Buena lang daw ang targetin. Ateng, ang Noche Buena ay hindi po simpleng kainan lamang. Ito ay tradisyon, kasiyahan ng mga bata at sandaling pahinga sa buong taong pagkapagod sa pagkayod. Kapag sinabi ng gobyerno na “simplehan niyo pa” ang dati simple na, parang sinasabi nito na “Aba’y sorry na lang kayo at ‘yan laang kaya ninyo ngayong Pasko ay.”
Ang nakakatangang“consumer guidance,” na ito ay malayo sa aktwal na presyo sa supermarket at palengke sa buong bansa.
Kaya nang sabihin ng DTI na sa ₱500 ay kasya na, nahalata sila na noong tinuos nila ito ay hindi math ang ginamit kundi pagpapa cute ng sitwasyon. Gusto nilang palabasin na: “Hindi mahal ang bilihin. Kayo lang ang mareklamo.” Hindi ito guidance. Ito ay gaslighting.
At kung tutuusin talaga, ang budget ham ay halos kalahati na ng ₱500. Ang pasta, sauce, keso, macaroni, mayo, condensed at cheese ay hindi mo maisasama sa budget nang hindi isinasakripisyo ang dami at lasa. Mamamasahe ka pa ng mga singkwenta pesos.
Kaya ang tanong ngayon ay hindi kung “paano pagkakasyahin ang ₱500?” Ang tanong ay: Bakit pilit ginagawang normal ang kulang?
Kung ang pahayag na ito ng gobyerno ay Noche Buena na pang-press release kaysa pang-pamilya, baka panahon na talaga para ang taumbayan naman ang magturo kung sino talaga ang mga dapat tuusin.
The cruelest advice always comes from those who never had to live by it.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






