MAYNILA. Nag-alok ng P500,000 na pabuya ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan para sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng apat na suspek sa brutal na pagpatay kay Sangguniang Panlalawigan board member at Association of Barangay Captains (ABC) President Ramilito Capistrano at ang kanyang driver.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson P/Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing nitong Huwebes, “Naglabas din ng reward na P500,000 ang LGU po ng Bulacan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na hahantong sa pag-aresto at lokasyon po nitong si Sgt. Pascual, Gallardo, alias ‘Lupin’, at alias ‘Jeff’ po.”
Ang mga suspek na sina Police Staff Sergeant Ulysses Hernani Castro Pascual, ang kanyang pinsang si Cesar Mayoralgo Gallardo Jr., at ang kanilang mga kasabwat na sina “Jeff” at “Lupin” ay nahaharap sa kasong double murder na isinampa sa Prosecutor’s Office ng Malolos City.
Si Capistrano, na pinuno rin ng ABC sa Bulacan, ay nasa loob ng kanilang sasakyan kasama ang kanyang driver na si Shedrick Toribio nang tambangan sila ng mga armadong lalaki noong Oktubre 3. Ayon sa ulat, si Pascual ay unang naaresto ngunit nakatakas matapos itong payagan ng isang kapwa pulis na umuwi. Hindi na siya bumalik sa kustodiya ng mga awtoridad mula noong nakaraang linggo.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang motibo sa likod ng krimen, at hindi nila isinasantabi ang posibilidad na ito ay may kaugnayan sa trabaho ni Capistrano. Ayon kay Fajardo, “Hindi pa po natin ma-single out kung ano po yung motibo until such time na mapin-point po natin yung mastermind. Because it appears na itong pong mga suspects na sinampahan ng kaso were just the instrument na ginamit nitong mastermind para patayin itong si Capistrano.” Dagdag pa niya, “Hindi natin inaalis yung possibility na ito ay work-related.”
Inatasan na ng PNP ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang manguna sa manhunt operations laban sa mga suspek.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.