P633 bilyong ‘hard, soft, at shadow pork’ tinukoy sa 2026 national budget

0
262

MAYNILA — Nagbabala ang mga watchdog group na mahigit P633 bilyon sa P6.793 trilyon na 2026 national budget ang posibleng mauwi sa korapsyon o patronage politics kung hindi ito masasailalim sa masusing pagbabantay o ma-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang inihayag ng People’s Budget Coalition at ng Roundtable for Inclusive Development ilang araw bago ang nakatakdang paglagda ng Pangulo sa pambansang budget.

Sa liham na ipinadala kay Pangulong Marcos, sinabi ng mga grupo na ang panukalang 2026 national budget ay naglalaman ng tatlong uri ng pork hard, soft, at shadow pork na anila’y nangangailangan ng mahigpit na pagsusuri at aktibong pagbabantay ng publiko.

Ayon sa mga watchdog, ang tinatawag na “hard pork” ay tumutukoy sa humigit-kumulang P180 bilyon na mga proyektong pang-imprastraktura na may panganib na maulit o ma-overprice. Kabilang dito ang mga kalsada, tulay, at flood control projects na, ayon sa grupo, ay “nahuhubog ng diskresyong pulitikal sa halip na ng maayos at makatwirang pagpaplano.”

Sa halip na tuluyang i-veto ang mga naturang proyekto, iminungkahi ng mga grupo na buksan ang mga ito sa citizen monitoring o aktibong partisipasyon ng publiko.

Bilang halimbawa, binanggit nila ang Bantay Bisto Proyekto, isang inisyatibang isinasagawa katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang organisasyong panlipunan. Layunin nitong ilantad sa publiko ang mahahalagang detalye ng mga proyekto, kabilang ang gastos, kontratista, lokasyon, dokumentasyon ng larawan, at mga obserbasyong isinusumite ng mga boluntaryong tagamasid.

Iminungkahi rin ng mga watchdog na ang mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng higit P600 bilyon sa ilalim ng isang executive order ay mapasailalim sa isang multi-sektoral at pinopondohang mekanismo ng citizen monitoring.

Para naman sa “soft pork,” na inilalarawan bilang mga programang may malawak na diskresyon ng mga pulitiko, nanawagan ang mga grupo na ang P210 bilyong pondo para sa ayuda ay gawing mga programang nakabatay sa karapatan at may malinaw na alituntunin.

Ayon sa kanila, ang pagpapatupad ng mga programang ito ay dapat nakabatay sa malawak na konsultasyon sa mga propesyunal sa kalusugan at mga eksperto sa social protection.

Samantala, ang P243 bilyon sa unprogrammed appropriations ay inilarawan ng mga grupo bilang “shadow pork,” na anila’y dapat i-veto dahil sa “limited transparency and legislative scrutiny.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.