P73.28 milyong confidential funds ni VP Sara pinasosoli ng COA

0
127

MAYNILA. Inatasan ng Commission on Audit (COA) si Vice President Sara Duterte na isoli ang P73.28 milyong bahagi ng P125 milyong confidential funds na nagastos ng kanyang tanggapan sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022. Ayon sa COA, ang nasabing pondo ay itinuturing na “disallowed fund” batay sa mga regulasyon ng pamahalaan.

Ang “COA’s notice of disallowance,” na may petsang Agosto 8, 2024, ay nabunyag sa budget hearing ng House Committee on Appropriations kaugnay sa panukalang P2.037 bilyong pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.

Nauna nang napag-alaman na ang P125 milyong confidential funds ay nagastos ng OVP sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022. Sa kabila ng mahabang paghimay sa pondo, hindi nakuha ng mga mambabatas ang malinaw na paliwanag mula sa mga kinatawan ng OVP.

Ayon sa COA, “The disallowed expenditures, amounting to nearly two-thirds of the total confidential funds, included payments for rewards in the form of goods rather than cash, and the procurement of tables, chairs, desktop computers, and printers — expenses that appeared inconsistent with the intended use of confidential funds.”

Ipinaliwanag ni COA Assistant Commissioner Alexander Juliano na ang “notice of disallowed funds” ay nangangahulugan ng labis at hindi akmang paggasta na para bang sa gamot ay bultu-bultong binili na nasayang lamang dahil sa pag-expire.

Sinabi naman ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na P40 milyon sa confidential funds ng OVP ay ginasta para sa medical at food aid, ngunit kinuwestiyon niya ang bilis ng paggasta sa nasabing halaga. Ayon kay Castro, “So ang ibig sabihin nito, Madam Chair, konting math, pumapatak na ₱3.64 million kada araw ang gastos para sa food and medical aid. So hindi natin maintindihan paano ito ginastos in 11 days.”

Photo: Rappler

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.