P8.5-M party drugs naharang sa Laguna

0
254

Sta. Rosa City, Laguna. Inaresto ng mga awtoridad ang nakatanggap ng shipment na naglalaman ng PhP 8.5 milyong halaga ng ecstasy tablets sa isang controlled delivery operation sa lalawigan ng Laguna, ayon sa Philippine National Police (PNP) kanina.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na ang suspek na si Joy Bautista ay naaresto sa joint operation ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4-A (Calabarzon) , Regional Police Drug Enforcement Unit, PhilPost-Inspectorate, at ng lokal na pulisya sa isang gasoline station sa tabi ng Merryland Subdivision sa Brgy. Dita sa Sta. Rosa City noong Miyerkules ng hapon.

Tinanggap ni Bautista ang isang parcel na naglalaman ng humigit-kumulang 5,032 piraso ng pink na tablet na hinihinalang ecstasy, isang asul na clipboard, isang parcel receipt form, isang pekeng school ID, isang tax identification number card, at isang mobile phone.

Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang gamit sa PDEA 4-A para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Mahaharap si Bautista sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Samantala, nagbabala naman si Col. Redrico A. Maranan, acting chief ng Public Information Office, sa publiko laban sa paggamit ng party drugs, lalo na ngayong panahon ng Pasko na karaniwan ang mga night concert at party.

“Mahigpit po nating pinapa-alalahanan ang lahat na umiwas po tayo sa mga ganitong gawain gaya ng paggamit ng party drugs sapagkat wala itong magandang maidulot sa katawan at ilalagay lamang nila sa kapahamakan ang kanilang mga sarili oras na nasa impluwenysa na sila ng bawal na gamot na ito,” ayon kay Maranan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.