Pabakunahan na ang inyong mga anak na edad 12-17: Dr. James Lee Ho

0
548

San Pablo City, Laguna. Nananawagan si Dr. James Lee Ho, city health officer ng lungsod sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak na nasa edad 12 hanggang 17.

“Ang pagpapabakuna sa inyong anak ay ang pinakamahusay na paraan upang protektahan sila laban sa COVID-19. Marami sa mga clusters at paglaganap ng COVID-19 na kinasasangkutan ng mga kabataan ay matutunton sa mga extra curricular activities tulad ng sports, social gatherings at pamamsyal kagaya nitong nagdaang kapaskuhan,” ayon kay Dr. Lee Ho.

“Importanteng mabakunahan ang mga bata dahil kapag sinipon, inubo ang mga magulang na uuwi sa kanilang mga anak na wala pang bakuna ay nanganganib ang mga bata,” dagdag pa ng city health officer.

Noong Agosto 12, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 87,663 aktibong kaso ng COVID-19, kaya naging 1,700,363 ang kabuuang bilang ng mga kaso sa Pilipinas mula noong nakaraang taon. Ang mga nahawaang bata na 10 taon hanggang 19 taong gulang ay 7% o 116,035, ayon sa datos na ito.

Batay sa mga datos, ang mga kabataan ay maaaring magkasakit ng malubha kung sila ay mahahawa. May posibilidad na mangailangan sila ng pangangalaga sa hospital at maaari pang mamatay mula sa “Multi-System Inflammatory Syndrome in Children.” (MIS-C). Ito ay isang kondisyon kung saan ang iba’t ibang bahagi ng katawan ay maaaring mamaga, kabilang ang puso, mga baga, mga bato, utak, balat, mga mata o bahaging panloob (organ) ng gastrointestinal. Dagdag pa rito, ang ilang mga bata na nahawahan ay may mga pangmatagalang komplikasyon sa kalusugan o ang long COVID na nagsasanhi ng matagalang pagkaramdam ng pagod, pananakit ng ulo at hirap sa pagpopokus na maaaring abutin ng mga linggo o mga buwan.

“Sana po ay maging responsable ang bawat isa sa pangangalaga sa sarili, sa kanyang pamilya at sa kanyang kapwa. Mag ingat po ang lahat. Lagi po tayong mag mask, mag alokohol ng mga kamay at umiwas sa mataong lugar,” ayon kay Dr. Lee Ho.

Sa bukod na report, napag alaman na dalawang batang may Covid-19 ang kasalukuyang naka-confine sa isang ospital sa lungsod na ito.

Si San Pablo City Mayor Amben Amante at Dr. James Lee Ho sa isang pagpupulong ukol sa mga paghahanda sa ibayong papapalakas ng mga programa ng San Pablo City laban sa Covid-19.

Samantala, isasagawa sa Enero 3, 2022; 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa San Pablo Convention Center ang booster dose vaccination program para sa mga residente ng San Pablo City, Calauan, Victoria, Kikw, Nagcarlan and Alaminoa

Kumuha ng appointment dito:

https://appt.link/spcconvention

Mahalagang paalala:

1. Huwag kumuha ng appointment kung hindi kasama sa covered dates ang inyong 2nd dose o primary dose. Siguruhing nakalipas na ang 3 buwan mula noong kayo ay naturukan ng second dose (PFizer, Sinovac, Astrazeneca, Moderna, Gamaleya Sputnik) at 2 buwan (Janssen) bago magpa booster dose. Hindi mababakunahan kung wala pang tatlong buwan kahit may appointment slip kayo.

2. Ang tatanggapin lamang sa schedule na ito ay mga residente ng 3rd District ng Laguna. Hindi tatanggapin ang mga hindi naninirahan sa mga nasabing distrito. Magdala ng VALID ID na magpapatunay ng inyong residence.

3. Gumamit ng active na email address upang matanggap ang appointment confirmation.

4. Magpa appointment ng minsan lamang. Kung nais magpA reschedule o magkansela, buksan ang confirmation email at i-click ang mga link sa ibabang bahagi.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.